Naglalakad ang Kapitan-Heneral kasama ang kanyang mga kagawad, ang alkalde, si Kapitan Tiago, at si Ibarra papuntang bahay ng Kapitan. Nagsimula na ang prusisyon, na kung saan may maraming paputok sa langit at maririnig ng lahat ang tunog ng mga batingaw. Kung hindi daw sa imbitasyon ng Kapitan-Heneral, mananatili si Ibarra sa tahanan ni Kapitan Tiago upang makasama si Maria Clara.
Ang prusisyon ay isang inayos na pangyayari. Ang mga sakristano ay ang unang lumakad, at pagkatapos ay ang mga guro, mag-aaral, at ang mga batang may dala-dalang parol. Mayroon ding mga agwasil na sineserbisyong tagapalo ng mga batang wala sa hanay o linya. May mga nagbibigay ng libreng kandila para sa prusisyon.
Ang pagkakasunod-sunod ng mga santong pinuprusisyon ay inayos din. Ang una ay si San Juan Bautista, pagkatapos ay sina San Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De Alcala, at ang Birheng Maria. Si San Diego naman ay hinihila ng mga Hermano Tercero.
Nagpatuloy lamang ang prusisyon hanggang sa isang kubol malapit sa bahay ng Kapitan. Lumabas ang isang bata na nagbigkas ng papuri sa wikang Latin, Kastila, at Tagalog. Pagkatapos, umawit si Maria Clara ng Ave Maria. Nalungkot tuloy si Ibarra, pero nakuha niya ang mensahe ng kinakanta ng dalaga. Biglang lumapit ang Kapitan-Heneral kay Ibarra, at sinabi niya na ang tunay na dahilan na kung bakit inimbita si Ibarra sa prusisyon ay para mag-usap tungkol sa pagkawala nina Crispin at Basilio.
No comments:
Post a Comment